Nahuli-cam ang paisa-isang pagbato sa kalye ng mga basurang nasa plastik mula sa isang dump truck sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, minanman muna ng mga pulis at sinundan ang naturang truck ng basura mula sa Pier South sa Manila.
Pagsapit sa madilim na bahagi ng Vitas street, isa-isa nang itinatapon sa kalye ng mga basurero na nasa truck ang mga nakolekta nilang mga basura na nakalagay sa plastik.
Kabilang sa mga basurang laman ng plastik ay mga ginamit na diaper, sanitary napkins at iba pa.
“Amin pong napag-alaman na itong mga basura ay galing doon sa foreign vessel na dumating sa Manila Bay,” ayon kay Police Major Randy Ludovice, station chief ng Northern NCR ng Philippine National Police.
Matagal na umano silang nakakatanggap ng mga reklamo tungkol sa mga basurang ibinabagsak sa kalye.
Ayon sa pulisya, nakasaad sa Ecological Solid Wastes Management Act of 2000 na dapat sa tamang tapunan ng basura dinadala ng mga contractor ang kinokoleta nilang basura.
“Kailangan pagkagaling ng barko, isasakay sa truck nila at dadalhin sa crater area. Dapat may permit sila at nandun yung recovery material facilities. Kailangan sundin ang proseso dahil mahalaga ito sa kalusugan ng tao. . . .sino-shortcut siguro para madali silang makabalik,” ani Ludovice.
Tumanggi ang mga basurero na magkomento at kompanya na raw nila ang bahala.
Wala pang komento ang kompanya sa tungkol sa ginawa ng kanilang mga tauhan. —FRJ, GMA News
