Naaresto na naman ng mga awtoridad dahil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga ang dating sexy actress at miyembro ng "Baywalk Bodies" na si Kat de Santos.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kasamang naaresto ni Kat, Katherine Santos sa tunay na buhay, at kaniyang live-in partner na si Fidel Samson.

Naaresto ang dalawa nitong Miyerkules ng gabi sa buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Laloma Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), apat na beses nang naaresto si Kat na may kaugnayan sa ilegal na droga.

“Hindi siya natuto ganun pa rin binabalik balikan pa rin niya yung negosyo niya yung pagtatransact niya ng drugs kaya nahuhuli siya palagi,” sabi ni Police Brigadier General Remus Medina, district director ng QCPD.

“May mga areas sila na kino-cover and then may areas sila dito sa Quezon City na sila ang pinanggagalingan,” dagdag pa ni Medina.

Hindi naman itinanggi nina Kat ang alegasyon laban sa kanila ng kaniyang kinakasama.

“Opo dahil po sa drugs din po. Nagsisisi po,” ayon sa dating aktres.

Mahaharap sa kaukulang reklamo sina Kat at iba pa nilang kasama. --FRJ, GMA News