Patay ang isang lalaki sa Sta. Ana, Maynila matapos hatawin sa ulo ng dating nakainuman gamit ang dos por dos nitong Sabado.

Nakilala ang biktima na si Jesus Miravalles, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Nakuhanan ng video ng CCTV ang pangyayari sa Barangay 905 sa Punta, Sta. Ana nitong Sabado ng hapon.

Sa video, makikitang naglalakad ang biktima nang bigla na lang may lalaking humampas sa kanya mula sa likod gamit ang hawak na kahoy.

Natamaan ang ulo at iba pang bahagi ng katawan ng biktima.

Nakalakad pa pauwi ang biktima upang makahingi ng tulong na maidala sa ospital.

Na-comatose ang biktima at kinalaunan ay binawian ng buhay.

Nakilala ang suspek na si Henry Macato, na dati raw kainuman ng biktima ayon sa inisyal ng imbestigasyon.

Ayon kay Kagawad Edwin Zambrona ng Barangay 905 Zone 100, napag-tripan umano ng suspek ang biktima.

Nagulpi raw kasi ang suspek dalawang linggo na ang nakaraan.

Nagreklamo raw ang suspek sa barangay tungkol sa insidente pero hindi kasama ang pangalan ng biktima sa isinumiteng listahan.

Ayon sa mga awtoridad, nasa drug watch list din ang suspek.

Humihingi ng katarungan ang kapatid ng biktima na si Lorna Miravalles.

Sabi naman ng suspek, hindi niya inaasahan na mauuwi sa ganoon ang pangyayari, at humingi rin siya ng tawad sa kaanak ng biktima. —KG, GMA News