Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa isang computer shop sa Tondo, Maynila nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Nangyari ang insidente pasado alas-tres ng umaga sa Raxabago Street, Barangay 155.

Sapul sa CCTV ang dalawang lalaki na huminto sa tapat ng nasabing computer shop at bumunot ng baril. Salitan nilang pinaputukan ang isang lalaking nasa loob ng shot.

Dead on the spot ang 40-anyos na biktimang si alyas Jun.

Ayon sa isang saksi, nakarinig siya ng apat na magkakasunod na putok ng baril.

"Akala ko po may pumutok na kuryente lang. Eh nagtaka po ako, parang tuloy-tuloy. Tapos nakita ko po 'yung lalaking naglalaro bumagsak na po siya," kuwento ng saksi.

Ilang minuto bago ang pamamaril, makikita ang isa sa mga gunman na naglakad sa eskinita.

Sinilip pa niya ang biktima sa loob ng computer shop.

Maya-maya ay makikita na siya na kasama ang isa pang gunman na dumeretso sa computer shop.

Dito na nila sabay na pinuntahan ang computer shop at malapitang pinaputukan ang biktima.

Agad na tumakas ang dalawa patungo sa direksyon ng Raxabago corner Yuseco Street.

Sabi pa ng saksi, hindi niya personal na kilala ang biktima pero mahigit isang buwan na niyang nakikita na naglalaro sa nasabing computer shop si alyas Jun.

Sinubukan naman naming makipag-ugnayan sa barangay at sa kaanak ng biktima pero tumanggi muna silang magbigay ng pahayag.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahanap ang dalawang gunman at malaman ang motibo sa pamamaril. —KG GMA News