Arestado ang isang lalaking X-ray technician sa Tondo, Maynila matapos umanong palihim na nag-video ng mga pasyenteng nagbibihis sa isang clinic.
Ito ay matapos siyang ireklamo ng isang babaeng empleyado ng Manila City Hall na nagpa-X-ray sa nasabing clinic.
Nag-iwan ng matinding takot para sa empleyadong si alyas Chel, 27-anyos, ang sana'y normal lang na pagbisita niya sa nasabing clinic nitong nakaraang Lunes.
Sa kuwento ni alyas Chel, kailangan niyang magpa-X-ray bilang bahagi ng kanilang annual physical exam at doon sa clinic na 'yun siya ni-refer ng Barangay Health Center na pinuntahan niya.
Matapos ang X-ray, lumabas daw ang suspek para bigyan ng privacy ang biktima na makapagbihis.
Pero habang nagbibihis, dito na raw nakita ng biktima ang isang cellphone na nasa ilalim ng lamesa at nakatutok sa kanya habang naka-video. Ang cellphone, pag-aari umano ng X-ray technician na umasiste sa kanya.
"Doon ako ninerbiyos. Talagang nanginginig ako. Hindi ko alam reaksiyon ko. So kinuha ko po 'yung cellphone. Pagtingin ko, naka-video ko ng 11 minutes and 22 seconds. Nakita ko 'yung sarili ko, nakahubad ako, kung paano ako naghubad, kung paano rin ako nagbihis," kuwento ng biktima.
Agad daw lumabas ang biktima papunta sa hallway at doon na niya kinompronta ang X-ray technician.
Mabilis aniyang kinuha ng lalaki ang kanyang cellphone at sinabing nag-hang lang ito.
Nangako rin daw ang lalaki na buburahin na lang ang video.
Matapos 'yan, agad na nagsumbong sa mga pulis si alyas Chel at hinuli ang 25-anyos na suspek.
Sa presinto, napag-alaman na may iba pang nabiktima ang suspek.
"Ang daming video, lahat talaga ng nagpapa-X-ray, nando'n (sa cellphone niya)...Parang nasa 30 to 50 (na biktima)....Puro mga bata siya, puro estudyante...May setup siya. Tapos binabanggit niya na, 'Welcome to my collection,' ganu'n. Para siyang nagva-vlog," kuwento ng biktima.Bukod dito, inamin din daw sa kanya ng isa sa mga empleyado ng clinic na hindi lisensyadong X-ray technician ang suspek
"Sabi niya, radtech student daw 'yan. Mag-e-exam pa lang. So du'n ako nangamba lalo...Bakit kayo nag-o-operate ng X-ray na hindi lisensiyado 'yung tao?" tanong ng biktima.
Sa isang mensahe na ipinadala sa GMA News ni Dr. Edgar Santos ng Manila Health Department, sinabi niya na wala pa silang natatanggap na report kaugnay sa nangyari.
Pero agad daw silang magsasagawa ng imbestigasyon tungkol dito at aalamin din kung kumpleto ba ang requirements ng nasabing clinic.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng clinic.
Ayon naman sa pulisya, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon
Sot: ((pmaj honey hanziel Jose__)) 22:08:03----22:08:04
"Magre-request po kami ng application for cybercrime search warrant para po makatulong sa imbestigasyon po," sabi ni Police Major Honey Hanziel Jose, chief ng intelligence at deputy station commander ng Manila Police District-7.
"Ayon po sa suspek, ang sabi po niya, siya ay reliever bilang radtech doon sa nasabing medical clinic," dagdag ni Jose.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na na-inquest na at nahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Sinampahan din siya ng paglabag sa Article 172 o ang falsification of documents matapos mapag-alaman na peke ang PWD ID na ipinakita niya sa mga awtoridad.
Sa oras naman na mapatunayang hindi siya lisensyadong X-ray technician, posible rin siyang maharap sa paglabag sa Radiologic Technology Act of 1992. —KG GMA News
