Pinaghahanap ngayon ang isang kasambahay na umano'y tumangay ng mga gamit, alahas at pera ng kaniyang mga amo sa Caloocan. Nangyari ang insidente habang nasa outing ang pamilya.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, tinatayang aabot umano sa P200,000 ang natangay ng suspek na "Jeremie," na nitong nakaraang Pebrero lang namasukan bilang kasambahay ng mga biktima.
Pag-uwi umano ng mga biktima mula sa outing, napansin nilang bukas ang gate ng kanilang bahay at wala ang kanilang kasambahay.
Inakala nila noong una na may binili lang kasambahay dahil naiwan ang mga damit nito.
Pero nawawala na ang ilang nilang gamit, alahas at cash. Pati damit ng anak, tinangay.
"Inisip namin na baka bumili lang siya sa tindahan eh ang tagal na wala siya. Tiningnan namin yung kagamitan niya nandun naman yung mga damit niya. Hindi siya sumasagot sa phone parang naka blocked na kami," anang biktima.
Nang suriin nila ang CCTV ng bahay, doon na nila nakumpirma ang ginawang pagnanakaw ng kanilang kasambahay sa kanilang bahay.
Nais ng biktima na mahuli ang kasambahay para mapanagot sa ginawa at hindi na makapambiktima ng iba.
Payo naman awtoridad, kilalaning mabuti ang pagkatao ng kukuning kasambahay. Huwag ding mag-post ng impormasyon sa social media na walang tao sa bahay kapag magbabakasyon. --FRJ, GMA News
