Isang bilanggo ang nasawi, at siyam na iba pa ang nasugatan sa riot na sumiklab sa loob ng Quezon City Jail nitong Biyernes ng hapon.

Sa naunang ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB, sinabi niya na ilang bilanggo na sugatan ang nakita niyang binubuhat ng mga kapuwa bilanggo.

Bagaman nakontrol na ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology ang sitwasyon, may mga pagkakataon na nagkakaroon pa rin ng komosyon sa ilang bahagi ng kulungan.

 

 

Makikita umano ang kalat tulad ng mga basag na boto at mga bato na naiwan sa basketball area ng kulungan.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni BJMP National Capital Region (NCR) spokesperson Midzfar Omar, 10 bilanggong sugatan ang dinala sa ospital pero isa ang nasawi.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng gulo. --FRJ, GMA News