Nag-viral kamakailan ang YouTube channel na "Usapang Diskarte" kasabay ng mga panawagan na ipatanggal ito bunga ng mga laman o content na malisyoso at pambabastos sa kababaihan.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na matagal na nilang minomonitor ang naturang channel para makakuha ng impormasyon kung sino ang nasa likod nito.

Pero dahil sa nag-viral ito, maaaktuhan umano ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya na nagsimula pa raw noong Marso.

“It takes time. Kasi kailangan kumagat siya sa bait eh. You have to understand na mayroong kailangang i-undercover... Kaya lang naging viral na siya. That's what's hard. Siyempre hindi na namin mae-engaged 'yun dahil alam na niya na out in the open na mino-monitor na siya,” ayon kay Police Lieutenant Michelle Sabino, PNP-ACG spokesperson.

Dahil sa mga reklamo, inalis na ng YouTube ang channel, pati na ang page nito sa Facebook.

Kabilang sa laman ng channel ang pagtuturo kung papaano dumiskarte sa babae, at naglalagay pa ng mga larawan ng mga batang babae.

Ayon sa awtoridad, hihilingin nila sa Youtube na ibigay sa kanila ang pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod ng channel para sa ginagawa nilang imbestigasyon.

Maaari umanong sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9775 o the “Anti-Child Pornography Act of 2009,” ang mga nasa likod ng naturang channel.

Hihingi ng reaksyon ang GMA sa YouTube kaugnay sa sinasabing kahilingan ng pulisya.

Una rito, tinuligya ng Meta, nasa likod ng Facebook, ang naturang aktibidad ng "Diskarte..." sa kanilang social media platform.

“There is no place on our apps for child sexual exploitation and we have removed the Group and Page for violating our Community Standards,” saad nito sa pahayag.

“We use a mix of proactive detection technology, human review and reports from our community to find and remove this content as quickly as possible. We also work with law enforcement in situations where there is an immediate risk of harm,” dagdag nito.

Nanawagan din si Senador Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pirmahan ang panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga bata laban sa online sexual abuse and exploitation gaya ng ginawa ng "Usapang Diskarte."

“Hinihimok ko ang Palasyo napirmahan na ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law para tuluyan nang matuldukan ang mga krimen sa Facebook, YouTube at iba pang social media sites,” ani Hontiveros.—FRJ, GMA News