Binaril at napatay sa labas ng kaniyang bahay sa Lamitan, Basilan ang ama ni Dr. Chao-Tiao Yumol, suspek sa Ateneo de Manila University shooting incident, kung saan tatlo katao ang nasawi, kabilang ang dating alklade ng nasabing bayan.

Sa panayam ng Dobol B TV nitong Biyernes, kinilala ni Police Lieutenant Colonel Tadzhabel Managola, hepe ng Lamitan City Police, ang biktima na si Rolando Yumol, retiradong pulis.

Sinabi ni Managola na idineklarang dead on arrival sa hospital si Rolando na magtamo ng apat na tama ng bala sa likod.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing dakong 6:55 am nang barilin ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo ang biktima na nasa labas ng bahay.

"Sa ngayon under investigation pa ang kaso. Ongoing pa, naghahanap kami ng impormasyon at kung sino makapagbibigay ng impormasyon sa amin," ani Managola.

Sa isang pahayag, sinabi ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na negosyante ang 69-anyos na biktima at nakatira sa Barangay Maganda.

Sa ngayon, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na "speculative" kung iuugnay ang nangyari kay Rolando, sa nangyaring pamamaril sa Ateneo campus sa Quezon City noong July 24.

"So far, it is speculative to assume its direct relation to the shooting incident that happened last Sunday at the Ateneo de Manila University," ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Augustus Alba.

Suspek sa naturang pamamaril ang anak ni Rolando na si Chao-Tiao. Nasawi sa insidente si dating Lamitan mayor Rose Furigay, ang executive aide niyang si Victor Capistrano, at ang guwardiya sa Ateneo na si Jeneven Bandiala.

Sugatan din ang anak ni Furigay na si Hannah.

Personal na galit ang lumalabas na motibo ni Chao-Tiao sa pamamaril na pinuntirya ang dating alkalde.

Samantala, kinondena ni Basilan Representative Mujiv Hataman, ang nangyaring pamamaslang kay Rolando. Nauna na rin niyang kinondena ang nangyaring pamamaril sa Ateneo.

"Nais ko sanang diinan: Kailanman at sa kahit anong dahilan, walang saysay ang pagkitil ang buhay. Anumang uri ng karahasan ay walang lugar sa ating lipunan kung nais nating umunlad at kumawala mula sa imahe ng kaguluhan sa ating lalawigan," sabi ni Hataman sa pahayag.

"It is our hope that this latest act of violence would not progress into a series of violent actions. Huwag nating hayaang maging normal ang pagkitil ng buhay sa ating kultura, lalo na kapag nadadamay ang mga inosenteng mamamayan," patuloy niya.

Iginiit ni Hataman na tungkulin nilang mga mamamayan ng Basilan na protektahan ang katahimikan na tinatamasa na nila ngayon.

"Huwag nating hayaan na ang pagkakamali ng iba ay maging sanhi upang mabaon tayong muli sa dusa dala ng pagkitil ng buhay ng mga inosenteng tao. Nagsisimula pa lamang tayong bumangon mula sa pandemya na nagpadapa sa ating ekonomiya at kabuhayan. Kailangan nating magsumikap na mapanatili ang kapayapaan para sa kapakanan ng ating lalawigan," hiling ng mambabatas.

Hinikayat din niya ang publiko na huwag kaagad maghusga at hintayin ang resulta ng imbestigasyon.

"Let us not judge and fan the flame of emotions of the grieving families. Baseless speculations won't help and could trigger another violence," aniya. "We express our condolences to the family of Rolando Yumol and call on authorities to probe and hold the perpetrators accountable." —FRJ, GMA News