Natagpuang patay at walang saplot pang-ibaba ang isang babae sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing patay na, duguan, at walang saplot pang-ibaba nang maptagpuan ang biktima sa isang masukal na bangin sa may East Service Road sa Sukat.

Kinilala ang biktima na si Aira Garcia, 25-anyos.

Ayon sa kanyang ka-live in na si Virgilio Esguerra, nag-uusap sila sa cellphone nang marinig niya ang biglang pagsigaw at paghingi ng tulong ni Aira.

Ayon kay Virgilio, pauwi na raw sana si Aira galing sa kanyang trabaho. Mula umano sa PNR Sucat Station kung saan ito bumaba, naglakad daw ang biktima papuntang Sitio Pagkakaisa.

Dagdag ni Virgilio, isang linggo pa lang sa trabaho si Aira at naglalakad lang pauwi para makatipid.

Magkausap pa sila sa cellphone habang naglalakad ang biktima pero hindi na umabot ng bahay dahil bigla na lamang daw itong napasigaw at humingi ng tulong sa kanya.

Dito na raw nag-alala si Virgilio dahil nasa Calamba, Laguna siya at doon nagtatrabaho.

Kaya agad niyang itinawag ang insidente sa kanyang kapatid na kasama ni Aira sa bahay.

Agad naman umanong humingi ng tulong sa barangay ang kapatid ni Virgilio.

Pinuntahan agad ng mga tauhan ng barangay ang posibleng kinaroroonan ng biktima at hinalughog ang mga damo at masukal na bangin.

Natagpuan ang katawan ni Aira na walang saplot pang-ibaba, may mga sugat at duguan ang kayang katawan.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente at inaalam kung hinalay ang biktima bago patayin.  —LBG, GMA News