Arestado ang pitong lalaki na naaktuhang nagnanakaw ng copper cable wire sa Quezon City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ni James Agustin na sa unang tingin akalain mong lehitimong mga empleyado ng isang telecommunication company ang mga lalaki na nagtulong-tulong sa pagkakarga ng mga cable wire sa gilid ng kalsada.

Makikita sa video na naka-uniporme pa ang mga magnanakaw at pawang nakasuot pa ng hardhat. 

Pero  ayon sa pulisya, sinita ng mga barangay tanod ang mga lalaki, at nagkataon naman umanong may romorondang mga pulis sa lugar at inaresto ang pitong suspek.

Nakuha sa kanila ang mahigit 300 metro ng copper cable wire na nagkakahalaga ng mahitgit sa P1.2 milyon, ayon sa ulat.

Ayon sa mga naaresto, napag-utusan lamang daw silang mag-sideline kapalit ng P1,000.

Samantala, sa isang hiwalay na operasyon, nahuli naman ang 10 lalaki sa Barangay Tandang Sora.

Sa isang junkshop sila nasundan matapos magnakaw ng copper cable wire.

Nabawi mula sa kanila ang mga kableng nagkakahalaga ng mahigit P838,000.

Ayon sa mga pulis, modus umano ng mga magnanakaw ng copper cable wire ang magpapanggap na mga empleyado ng isang telecommunication company. —LBG, GMA News