Kalaboso ang isang lalaki dahil umano sa paulit-ulit na panghihipo sa isa sa mga kasamahan niya sa trabaho sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Tatlong beses daw nambastos at nanghipo ang 53-anyos na suspek na si Joel Agno kaya sinampahan siya ng kasong acts of lasciviousness.

Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto si Agno sa kaniyang pinapasukang restaurant sa Malate.

Ayon kay Police Lieutenant Jonna Herrera, warrant section chief ng Pandacan Police Station, naganap ang mga insidente ng panghihipo noong August 10, 16, at 17, batay sa salaysay ng biktima.

"Matapos siyang hipuan, itong si [biktima], sa maselang bahagi ng katawan, nagsampa agad ito ng kaso sa piskalya dito sa Manila City Hall," ani Herrera.

Hindi pumalag ang suspek nang arestuhin pero itinanggi niya ang bintang sa kaniya. Aniya, sinisiraan lang siya ng biktima matapos malaman nito na tatanggalin na siya sa trabaho.

"Nung nasabihan ko siya noong August 21 na tatanggalin ko siya dahil lumalaban siya sa akin, nakikipagsagutan, matigas ang ulo, sinabihan ko siya na ipapa-terminate ko siya, dun siya nagsampa ng kaso," ani Agno.

Depensa pa ng suspek, may polio siya kaya mahihirapan siyang gawin ang bagay na ibinibintang sa kaniya.

"Kung totoo ang sinasabi niyang iyon, dapat nung oras o petsa na iyon puwede niya akong ireklamo at sabihan na may ginawa ako. At kung ginawa ko iyon sa opisina, puwede niya akong itulak kasi PWD ako, mas malaki siya sa akin," sabi ni Agno.

Ayon naman sa pulisya, mas maiging sa korte na lang magpaliwanag si Agno. —KBK, GMA News