Dinakip ang magkapitbahay na lalaki at babae na mga tulak umano matapos masabat sa kanila ang P47,600 halaga ng shabu sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Marisel Gadaingan at Junjun Sumulat, na mga target ng operasyon.

Sinabi ng pulisya na nag-ulat ang isang concerned citizen ng talamak na bentahan ng droga sa lugar.

Ginagawa rin umanong drug den ang bahay ni Gadaingan, kung saan doon na niya ibinibenta ang droga at gumagamit ang mga parokyano.

Pangatlong beses nang mabibilanggo ni Sumulat dahil sa kasong may kinalaman din sa droga.

Inamin ng mga suspek na nagtutulak sila.

"Akala ko naman po makakabili po ako ng panggamot ng asawa ko, kasi maysakit naman ang asawa ko, na-paralyze," sabi ni Gadaingan.

"'Yun na po ang nakasanayan namin na pagbebenta," sabi ni Sumulat. — Jamil Santos/VBL, GMA News