Masuwerteng nakaligtas ang isang mag-ina na-trap sa kanilang bahay matapos na bumagsak sa bubungan at lumusot sa loob ang bahagi ng crane ng boom truck at karga nitong mga bakal sa Tondo, Manila.
Sa ulat ni Saleema Refran sa “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa ginagawang NLEX-SLEX connector sa bahagi ng Barangay 203.
Nawasak ang bubongan ng dalawang magkatabing bahay na binagsakan ng crane at mga bakal.
Pumasok ang mga bakal sa inuupahang bahay ni Jocelyn Esguerra, na kasama sa loob ang apat na taon gulang niyang anak.
Ayon kay Esguerra, na-trap sila sa ikalawang palapag ng kanilang bahay dahil sa humambalang ang mga bakal sa kanilang daanan.
“Na-trap po kaming mag-ina kasi bumagsak po ang kisame doon mismo sa daanan pababa sa may hagdan. Hanggang ngayon nangangatog po ang buong katawan ko,” anang ginang.
“’Yung anak ko po hindi makakain ngayong araw,” dagdag pa niya.
Masuwerteng walang nasaktan sa insidente. Mabilis naman tumulong ang mga tauhan ng construction company at nagsagawa ng clearing operations.
Ayon sa mga naapektuhang residente, nakipag-ugnayan na sa kanila ang contractor ng proyekto na D.M. Consuji, Inc.
“Ang worry lang namin, papaano ‘yung mga nasira nila plus psychological and emotional damages. Paano nila yan sasagutin?” sabi ng isang apektadong residente na si Fe Bullece.
Lubos namang humingi ng tawad ng D.M. Consuji, Inc. sa nangyari. Sinimulan din agad na kumpunihin ang mga nasirang bahay at pinatira muna sa kalapit na hotel ang mga naapektuhan.
Nagsasagawa na rin ang kanilang safety department ng imbestigasyon sa insidente upang na ulit mangyari. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News
