Isang 17-taong-gulang na Grade 11 student sa Quezon City ang ginahasa umano ng kaniyang mga nakainuman, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Tatlong suspek, kabilang ang isang 18-anyos na babae, ang inaresto ng mga pulis kaugnay sa insidente. Edad 18 at 16 naman ang dalawang lalaking suspek.
Malapit na kaibigan at kaklase pa raw ng babaeng suspek ang biktima.
Ayon sa pulisya, nagkayayaan ng inuman ang dalawa sa Barangay Commonwealth.
"Nung nalasing na itong dalawa, 'yung kaibigang babae tinawagan 'yung dalawang lalaki para sunduin siya. Pagdating ng dalawang suspek na lalaki, tinuloy nila 'yung inuman, bumili pa sila ng alak," ani Police Lieutenant Colonel Morgan Aguilar, hepe ng Batasan Police Station.
Nang malasing daw ang biktima ay nagpaalam na siyang matutulog.
"Ayon sa salaysay ng ating victim, mga madaling araw nung magising na hinahawakan na 'yung kamay niya, tapos 'yung dalawang lalaki halinhinan na siyang hinalay," kuwento ni Aguilar.
Dagdag pa ni Aguilar, wala raw ginawa ang babaeng suspek kahit hinahalay na ang biktima.
Nadiskubre ang insidente matapos magsumbong ang biktima sa kaniyang tiyuhin.
Na-inquest na ang mga suspek sa reklamong rape.
"Hindi po ako makapaniwala kasi wala po talaga akong kasalanan. Noong nangyari 'yun tulog talaga ako," anang babaeng suspek.
Aminado naman ang isa sa mga lalaking suspek na nagawa nila ang panghahalay dahil sa kalasingan.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na suspek. —KBK, GMA News
