Sugatan ang isang tow truck crew matapos itakas ng isang may-ari ng SUV ang kaniyang sasakyan na hahatakin na sana ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang clearing operations sa Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente malapit sa Bagbag Public Cemetery.

Puwersahang inalis ng may-ari ang sasakyan, ang nakaparada sa daan na SUV, at ipinasok ito sa kaniyang garahe kaya nasaktan at nasugatan ang tow truck crew.

Kakasuhan at sampahan ng reklamo ng mga tauhan ng MMDA ang may-ari ng sasakyan.

Hindi bababa sa 10 mga sasakyan na ang nahatak ng mga tauhan ng MMDA nitong Miyerkules. —Jamil Santos/LBG, GMA News