Nag-ikot sa mga simbahan ang kapulisan Biyernes ng madaling-araw upang tiyakin ang seguridad ng mga dumalo sa unang araw ng Misa de Gallo.

Kabilang sa pinuntahan ng mga pulis ang San Roque Cathedral sa Caloocan kung saan binantayan ang mga taong maaaring magsimula ng gulo, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita.

Nakaalerto rin ang mga awtoridad laban sa mga magnanakaw.

Sinita ng mga pulis ang mga kabataang hindi nakikinig ng misa, walang kasamang magulang, at hindi maayos ang kasuotan.

Walang naitalang hindi magandang insidente ang Northern Police District maliban sa isang babaeng nahilo habang nakikinig ng misa sa labas ng simbahan. Inalalayan siya ng mga awtoridad.

Pinayuhan ni NPD chief Police Brigadier General Ponce Rogelio Peñones ang publiko na maging mapagmatyag sa mga kawatan na posibleng samantalahin ang Misa de Gallo.

“Iwasan siguro ‘yung pagpopost na ‘ATM: Andito kami sa simbahan’ and makikita na walang tao sa bahay. Nasa simbahan sila, ‘yung ating kapulisan, hindi lamang dito sa kalsada, kundi dun sa mga subdivision kung saan saan nakatira ang mga tao,” aniya.

Nakabantay rin ang mga miyembro ng Manila Police District sa iba’t ibang simbahan kabilang na ang Quiapo Church.

Ayon kay Police Captain Roel Robles, hepe ng Plaza Miranda police community precinct, nagdagdag sila ng mga pulis upang bantayan ang mga pinagtitipunan ng mga tao.

“Nagdagdag po tayo ng kapulisan, naglagay tayo ng police assistance pagpasok pa lang at sa exit, dun din sa Carriedo.  Meron po tayong additional augmentation galing sa district headquarters, sila po ang magpo-police visibility, magpapaalala sa mga maninimba at ilang mamamasyal po dito,” ani Robles sa panayam ni Susan Enriquez.

Pinaalalahanan rin niya ang publiko na patuloy na magsuot ng face mask at maging alerto laban sa masasamang loob.

“Andyan pa rin ang banta ng pandemya, mag-face mask tayo. ‘Yung mga pupunta dito sa Quiapo whether magsisimba, mamamasyal, mamamalengke, o mamimili, laging pag-iingatan ang inyong gamit, ‘wag po nating bigyan ng oportunidad ang mga kababayan natin na nag-iisip ng masama,” pahayag niya.—AOL, GMA Integrated News