Nasagip ng mga awtoridad ang babaeng umakyat at aksidenteng nahulog sa Binondo-Intramuros Bridge kamakailan.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras”, makikita sa isang video na kinakausap ng rescue team ang babae na sumampa sa gilid ng tulay nang aksidente itong mahulog.
Dahil dito, agad na lumundag sa Pasig River si PCG Petty Officer Second Class Ray Eric Agad para iligtas ang babae.
Nasa higit dalawampung talampakan ang lalim ng gitna ng Pasig River kung saan lumagpak ang babae.
Dumating din ang Baywatch Patrol Group sakay ng rescue boat at dito na nila nailigtas ang babae.
Katuwang sa rescue operation ang Bureau of Fire Protection Manila, na siya namang nagsugod sa biktima sa ospital.
“Mayroon silang nakaantabay na ambulansya at medics. Ito ay binigyan ng paunang lunas at agarang dinala sa Philippine General Hospital,” saad ni CG Special Operations Force commander CG Commo Edgardo Taganas Hernando.
Ayon kay Agad, nagjo-jogging siya noon malapit sa tulay nang madaanan niya ang insidente.
“Sinaway ko siya, sir. Dinala ko siya sa gilid… sabi ko ma’am relax lang dalhin kita sa gilid. Pero nag-response naman siya, sir,” dagdag pa niya.
Inaalam pa kung bakit naroon ang babae sa gilid ng tulay, ayon pa sa ulat.
Pero dahil sa pangyayari, muling umapela ang PCG sa pamahalaan na lagyan o taasan ang railings ng mga tulay sa ibabaw ng Pasig River para sa kaligtasan ng mga dumaraan. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News
