Arestado ang isang lalaki sa Quezon City dahil sa panggagahasa umano sa yaya ng kaniyang anak, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa presinto, napag-alamang may isa pang dating yaya na ginahasa rin umano ng suspek na si Michael Angelo Galit, 28 anyos.

Nabisto raw ang ginawa ni Galit matapos niyang dalhin sa barangay ang 17-anyos na biktima, na dalawang linggo nang nagtatrabaho sa kaniya, para isumbong ng pagnanakaw ng pera.

"Nung nandun na sa barangay, umalis saglit 'yung suspek then nag-iiyak na 'yung bata. Tapos doon siya nag-reveal na ginalaw siya nitong amo niya," ani Police Lieutenant Colonel Reynaldo Vitto, hepe ng Anonas Police Station.

Lumutang din sa police station ang isang 16-anyos na babae na namasukan din sa suspek bilang yaya nito lamang Pebrero. Aniya, dalawang beses siyang ginalaw ng suspek. Hindi raw siya nakapagsumbong sa otoridad dahil sa takot sa mga banta ng suspek.

"No comment" naman ang tugon ni Galit nang tanungin kung may komento siya sa mga paratang sa kaniya.

Nahaharap si Galit sa mga reklamong rape at statutory rape, samantalang sasailalim sa counseling ang dalawa niyang biktima.

Nananawagan naman ang pulisya sa iba pang nabiktima ng suspek.

"Mangyari lamang po na pumunta kayo sa amin dito sa station para makapagsampa ng kaukulang complaint dito sa ating suspek," ani Vitto. —KBK, GMA Integrated News