Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin nitong Martes ng gabi sa Makati City.

Base sa imbestigasyon, napag-alamang nagpapahinga lamang sa loob ng isang kotseng nakaparada sa tapat ng isang kainan ang biktimang si Gilberto Cayetano nang siya ay paputukan ng baril ng hindi pa nakikilalang salarin, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nangyari ang insidente sa J. Victor Street sa Barangay Pio del Pilar bandang mag-aalas onse ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, nakitang nagpapahinga sa passenger seat ng isang kotse ang biktima nang may sumulpot na lalaki sa gilid ng kotse.

Nagtakbuhan ang mga residente nang magpaputok ang salarin.

Dali-dali ring tumakbo ang salarin at sumakay sa isa sa dalawang motor na naghihintay sa dulo ng kalye.

Naisugod naman sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Desiree Cayetano, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril tapos ay may sumisigaw ng palayaw ng biktima.

Bumaba siya sa kanilang bahay at nakitang duguan na ang kanyang kapatid.

Wala raw silang alam na kaaway ng biktima ngunit nitong pandemic ay may nagtangka nang patayin si Gilberto pero hindi pumutok ang baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari. —KG, GMA Integrated News