Patay ang isang mangangalakal matapos siyang undayan ng saksak ng kapwa mangangalakal na tinangka niyang hatawin ng pamalo sa Tayuman, Maynila. Ang biktima, kilala sa lugar na ugat umano ng mga away.

Sa ulat ni Nico Waje sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ng Brgy. 229 ang paglalakad ng lalaki na kinilalang si alyas “Kalbo” na may hawak na pamalo at tila may susugurin.
 
Sumisilip-silip ang lalaki at tila may inaabangan. Ilang saglit pa, sinugod na niya ang isa pang lalaki na nakatambay sa tapat ng isang establisyimento.
 
Hinampas ni alyas "Kalbo" ng pamalo ang lalaki, pero hindi niya ito tinamaan. Maya-maya pa, si alyas “Kalbo” naman ang hinabol ng hinampas niyang lalaki, na may dalang kutsilyo.
 
Nagpang-abot ang dalawa at napaupo sa kalye si alyas “Kalbo,” at dito na siya inundayan ng saksak.
 
Nagtamo ng saksak sa ulo at likod si alyas “Kalbo” na agad niyang ikinamatay.
 
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na parehong mangangalakal ang dalawang lalaki at natutulog sa bangketa.
 
Hindi pa buo ang pagkakakilanlan kay alyas “Kalbo” dahil wala siyang ID, ngunit kilala sa lugar na ugat ng mga away.
 
Maaaring may dati na ring alitan ang dalawa.
 
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang lalaking nakasaksak. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News