Dead on the spot ang isang lalaki sa pamamaril sa kahabaan ng Gate 13 ng Parola Compound sa Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, kinilala ng Manila Police District ang biktima na si Reymart Ferrer alyas "Dude", 25-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang pamamaril dakong 2:30 ng madaling-araw nitong Linggo.

Huli umanong nakita ang biktima na may kausap sa kanyang cellphone at nakipagtagpo sa lugar kung saan siya pinatay.

Nakarinig umano ang mga residente ng dalawang putok ng baril, pero hindi nila namukhaan ang suspek dahil may power outage sa lugar pasado alas-dies nitong Sabado ng gabi na tumagal hanggang alas-tres ng madaling-araw kinabukasan, ayon sa ulat.

Napag-alaman ng mga pulis na ang biktima ay ilang beses nang nakulong dahil sa iligal na droga.

Patuloy pang nag-iimbestiga ang mga pulis upang madakip ang suspek sa pamamaril. —LBG, GMA Integrated News