Nasawi ang dalawang katao at sugatan ang anim ns iba pa sapagbagsak ng isang puno at isang pader sa mga kabahayan sa Estero de Magdalena sa Recto Avenue sa Maynila.

Sa ulat ni Oscar Oida sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa inisyal na report na kabilang ang isang menor de edad sa mga nasawi.

Kabilang sa mga sugatang biktima sina Caitlyn Caparangan, 13-anyos; ama niyang si Reynaldo Caparangan, 39-anyos; at Edsel Lansiola, 42-anyos.

Dinala sila sa Jose Reyes Medical Center.

Sinabi ng mga residente na maayos ang lagay ng panahon nang maganap ang sakuna nitong Huwebes ng hatinggabi.

Apektado ang walong pamilya, na pansamantalang tumutuloy sa mga modular tent na ipinuwesto sa gilid ng Recto Avenue habang hinahanapan sila ng mas ligtas na malilipatan ng barangay.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na matagal nang nakapila para sa relocation ang mga residente sa Estero de Magdalena, ngunit naantala dahil sa pandemya. —LBG, GMA Integrated News