Hindi na gaanong mamomroblema pa ang mga unang beses na maghahanap o mag-a-apply sa trabaho dahil libre na ang pagkuha ng requirements tulad ng NBI, police clearance at birth certificate sa ilalim ng First Time Jobseekers Assistance Act.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing kung dati, P160 pa ang halaga ng pagkuha ng NBI clearance, na hiwalay pa sa ibang mga papeles at dokumento gaya ng police clearance.
Base sa tantiya ng labor department, nasa P2,000 hanggang P2,500 ang nagagastos sa paglalakad ng mga kakailanganing papeles ng mga unang beses pa lang mag-a-apply ng trabaho, kaya madalas wala pa mang kita, nagkakautang na sila.
Pero sa ilalim ng First Time Jobseekers Assistance Act, wala nang dapat bayaran sa pagproseso ng mga papeles na kakailanganin.
Kabilang pa sa mga libre sa ilalim ng batas ang barangay at birth certificate, transcript of records at iba pa.
Taong 2019 pa naisabatas ang First Time Jobseekers Assistance Act, ngunit noong nakaraang linggo lamang nilagdaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng 15 iba pang assignatory agency ang joint operational guidelines ng batas na ito.
Gayunman, hindi ito “unli” dahil may susunding recording at monitoring system ng gobyerno.
Bukod sa college graduates, maaari ring mag-avail nito ang K-12 graduates. Kailangan lamang nilang dalhin ang kanilang birth certificate at ang patunay na unang beses pa lang sila mag-a-apply. —LBG, GMA Integrated News