Dalawang bata ang na nasugatan sa sunog na sumiklab sa Novaliches, Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing pasado alas-tres ng madaling-araw nang sumilab ang sunog sa Barangay San Bartolome sa Novaliches.
Nagbayanihan ang mga residente upang apulahin ang apoy, pero hindi umano kinaya, ayon sa ulat.
Nakalabas ang mag-anak sa nasusunog na inuupahang bahay, at doon sila dumaan sa bintana sa ikalawang palapag.
Pero nagtamo ng lapnos at mga sugat ang dalawang bata sa pamilya. Agad silang dinala sa pagamutan.
Kwento ng ina ng mga bata na si Rheneely Astillo, nagsimula ang apoy sa motorsiklo na ipinasok nila sa bahay dahil umulan noong Miyerkoles ng gabi.
"Naamoy ko yung amoy gasolina... pagbukas ko ng pinto, yung motor may apoy na. Inilabas po namin ang motor pero hindi na po kaya kasi lumaki na yung apoy," ayon kay Rheneely.
Naapula ang sunog pasado alas-kwatro na ng umaga.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Quezon City. —LBG, GMA Integrated News