Matapos pasarapin ang playoff series ng Eastern Conference finals, tuluyan nang nilusaw ng Miami Heat ang Boston Celtics sa Game 7, sa iskor na 103-84.

Pinangunahan nina Jimmy Butler at Caleb Martin ang Heat na kumamada ng 28 points (Butler) at 26 points (Martin).

Si Butler ang itinanghal na MVP of the series na may average score na 24.7 points, 7.6 rebounds at  6.1 assists.

Tumirada naman si Bam Adebayo ng 12 points, 10 rebounds at seven assists, sa ginawang pagbawi ng Miami makaraang masilat ng tatlong sunod na laro kontra sa Celtics.

Unang rumatsada ng 3-0 win ang Heat sa kanilang sagupaan. Pero hindi kaagad sumuko ang Celtics na nagtala rin ng tatlong sunod na panalo upang itabla ang kanilang serye sa 3-3, at pasarapin ang laban sa do-or-die na Game 7.

Sa panig ng Boston, nagtala si Jaylen Brown ng 19 points at eight rebounds at ang kaniyang bayani sa Game 6 na si Derrick White, ay mayroong 18 points.

Ang Boston ang ika-apat na team sa NBA history na naitulak ang playoff series sa Game 7 mula sa pagkakabaon sa 3-0 series.

Nakapagtala naman ng 14 points at 11 rebounds para sa Celtics si Jayson Tatum na may iniindang sakit sa kaliwang bukongbukong sa pagsisimula pa lang ng laban.

Sa tagumpay ng Heat, haharapin nila sa NBA Finals ang Western Conference champion na Denver Nuggets, na naunang winalis ang LA Lakers, 4-0 sa kanilang serye.

Gaganapin ang Game 1 ng Finals sa Huwebes sa balwarte ng Nuggets.--Reuters/FRJ, GMA Integrated News