Isang taxi driver sa Quezon City ang sugatan matapos barilin ng lalaking tinanggihan niya umanong pasakayin, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang taxi driver na binaril sa Mindanao Avenue. Agad siyang isinugod sa ospital.

Ayon sa pulisya, pinara ng suspek ang taxi at magpapahatid sana sa Cubao pero hindi pumayag ang driver.

Bigla na lang daw kinalampag ng suspek ang taxi, dahilan para lumabas ang driver at kumprontahin siya.

"Dahil iniisip ng suspek na nagtiti-threat na 'yung biktima ay naglabas na po siya ng baril sa kaniyang bag at pinutukan na po iyong biktima," ani Police Lieunant Colonel Richard Mepania, hepe ng Project 6 Police Station.

Isang traffic enforcer ang nakakita sa komosyon at agad na humingi ng tulong sa pulisya.

Naaresto ang 64-anyos na suspek at nabawi sa kaniya ang ginamit na revolver na kargado ng mga bala.

Lumabas sa imbestigasyon na lisensiyado ang baril at may permit to carry outside of residence ang suspek.

Ayon kay Mepania, hiniling na nila sa Firearms and Explosive Office nila na i-revoke ang lisensiya ng suspek.

Ayon naman sa suspek, galing siyang Nueva Ecija at may aasikasuhin lang sa Metro Manila. Aminado siya sa nagawang krimen pero dinipensahan lang daw niya ang sarili.

"Nung kinalampag ko bumababa siya, susugurin niya ako. Nagulat ako na susugurin ako, nabigla rin ako sa kaniya. Papuputukan ko lang sana siya, tinamaan naman pala," kuwento ng suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated homicide. —KBK, GMA Integrated News