Patay ang isang motorcycle rider matapos siyang magulungan ng isang pampasaherong jeep sa Batasan Tunnel sa Quezon City Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa isang cellphone video na nagmamadaling bumaba ang mga sakay na pasahero ng jeep matapos ang aksidente habang tila hindi mapakali ang nakasagasang driver.
Kinilala ang biktima na si Raphael Galapon, 27-anyos.
Base sa imbestigasyon, lumabas na sabay na binabagtas ng jeep at ng motorsiklo ang tunnel.
Sa kasawiang palad, nagsalpukan ang jeep at ang motorsiklo, dahilan para matumba ang rider at magulungan ng jeep.
Tumakas ang jeepney driver matapos ang insidente, ngunit nakipag-ugnayan na ang kaniyang operator sa QCPD Traffic Sector 5.
Nanawagan ang pamilya ng biktima sa jeepney driver na sumuko at makipag-ugnayan na sa mga awtoridad.
Sasampahan ang driver ng reckless imprudence resulting in homicide kapag natukoy na ang kaniyang pagkakakilanlan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
