Sugatan ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin at barilin dahil umano sa away sa droga sa Tondo, Maynila. Ang dalawa sa mga suspek, arestado.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood ang habulan ng mga lalaki sa Brgy. 119, kung saan pagkaliko sa eskinita, natumba ang isang lalaki saka siya pinagpapalo ng isa sa mga humahabol sa kaniya.

Matapos nito, sinaksak siya ng isa pang lalaki. Pinilit na tumakbo palayo ng biktima, ngunit itinuloy ng mga suspek ang pagtutok at pagpalo ng baril sa kaniya.

Agad isinugod sa ospital ang biktimang si Abraham Carusso, na nagtamo ng tama ng baril at nasaksak.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang alitan ng biktima at mga suspek.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya, at nadakip ang isa sa mga suspek na si Jonathan Camangon, at habang sumuko rin ang isa pa sa kanila na si CJ Manalo.

Umamin si Manalo na siya ang bumaril sa biktima, at siya rin mismo ang kaaway.

“Namuo na rin po ‘yung galit na puro pagbabanta niya sa akin. Huwag daw niya ako makikita, baka raw banatan niya ako. Nagkita po kami, inunahan ko na lang din po siya,” sabi ni Manalo.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang isa pang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News