Ikinuwento ng komedyanteng si John Feir sa programang “Unang Hirit” ang mga nangyari sa loob ng simbahan nang dumalo siya sa maling kasal noong nakaraang Enero 3.

Ayon kay John, gumaganap bilang si “Patrick” sa GMA sitcom na “Pepito Manoloto,” buong paniwala niya ay sa Enero 3 talaga ang kasal ng kaniyang co-star sa sitcom na si Mikoy Morales.

Pero bago ang nakatutuwang pangyayari, sinabi ni John na si Mikoy mismo ang pinag-confirm niya sa online invitation ng kasal na ipinadala sa kaniya dahil ayaw niyang nagpipindot ng mga link.

“Ayan, confirm ka na,” ani John sa sinabi ni Mikoy matapos i-confirm na ang pagdalo niya sa kasal na sa Marso pa pala gagawin.

Pero ang buong akala ni John, January 3 ang kasal pero ang naturang petsa pala ay para sa deadline sa confirmation ng RSVP o mga bisita.

Kaya naman nang sumapit ang holiday season at wala na silang taping sa sitcom, ibinilin pa raw ni John sa kaniyang misis ang kasal ni Mikoy sa January 3 para hindi niya makalimutan.

At nang dumating na ang naturang araw, nagpagupit at nagpaahit pa umano si John para dumalo sa “kasal” na nakatakdang ganapin ng 4:00 pm.

Patuloy ni John, marami nang sasakyan sa parking ng simbahan nang dumating siya. Kaya lampas alas-4 pm na nang makababa siya at sarado na ang mga pintuan sa simbahan.

Hanggang sa may makapagturo sa kaniya kung saan siya puwedeng pumasok. At nang nasa loob na, may na-guide naman sa kaniya kung saan siya puwedeng pumuwesto.

Ayon kay John nang makita niya ang groom na nakatalikod, “Ah, nagpagupit si Mikoy.”

Pero nakaramdam na raw siya nang kakaiba nang mapansin din na pawang naka-suit ang mga bisita at siya lang ang naka-barong tagalog.

Nang hindi na siya makatiis, tinawag niya ang isang photographer para alamin kung sino ang ikinakasal. Nang sabihin umano ng photographer na si Mikoy ang ikinakasal, hindi pa rin siya kaagad naniwala.

Sa unang pagkakataon daw sa buhay niya, napilitan na siyang pindutin ang link sa online invitation ng kasal ni Mikoy at doon na niya nakompirma na Marso pa nga ang kasal.

Tinawagan na rin niya ang isa pang co-star sa Pepito na si Chariz Solomon, at doon na talaga niya nakumpirma na sa Marso pa talaga ang kasal ni Mikoy at nagkamali siya.

Nagpadala din siya ng selfie kay Mikoy habang nasa simbahan siya pero hindi kaagad sumagot ang aktor na posibleng tulog umano at nagpadagdag sa kompirmasyon niya na mali ang kasal na pinuntahan niya.

Pero dumalo pa ba si John si reception ng maling kasal na pinuntahan niya? Alamin ang sagot ni John at ang reaksyon ng kaniyang misis nang malaman ang nangyari. Panoorin ang video. – FRJ GMA Integrated News