QUEZON - Isang tanker truck ang nasunog sa gilid ng Maharlika Highway, Barangay Ikirin, Pagbilao, Quezon dakong 11:00 ng gabi nitong Martes.
Kitang-kita sa kalangitan ang liwanag na nagmula sa nasusunog na tanker truck.
Nagulat ang mga tao sa paligid sa mga pagsabog na narinig mula sa tanker truck habang ito ay nasusunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) - Pagbilao, nakaparada sa gilid ng highway ang tanker truck sa direksiyon na papuntang Maynila.
Tumagal ang sunog ng higit isang oras bago ito naapula dakong 12:30 ng madaling araw nitong Miyerkoles.
Wala namang ibang nadamay sa sunog. Wala ring napaulat na nasaktan o nasawi.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang insidente.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ng BFP Pagbilao sa dahilan ng pagsunog ng tanker truck. —KG GMA Integrated News

