Viral ang mala-comedy skit na pagka-trap ng isang lolo at dalawa pang babae dahil sa isang metal fence na ipinasok ng lolo sa elevator sa Shanghai, China.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nanggaling mula sa ika-13 palapag ng gusali ang lolo, na bumaba at sumakay muli ng elevator dala ang isang hugis parisukat na bakod.
Pinilit niya itong pagkasiyahin sa elevator, at tagumpay niya naman itong nagawa.
Ang problema, sa laki ng metal fence, humarang ito at hindi na mapindot ng lolo ang mga button pati na sa alarm button ng elevator para sana makahingi siya ng tulong.
Tinangka niyang gamitin ang kaniyang phone, ngunit walang linaw kung naka-connect siya dahil mahina ang signal sa elevator.
Makaraan ang lampas 10 minuto, isang babaeng nasa unang palapag ang pumindot ng elevator kaya tila nagkaroon ng pag-asa ang lolo.
Sinubukan ding tulungan ng babaeng sumakay ang lolo, ngunit nagsara ang elevator at dalawa na silang na-trap.
Ilang saglit pa, isa pang babaeng residente ang sumakay kaya nagkaroon na sila ng pagkakataong humingi ng tulong sa staff.
May napakiusapan silang pindutin ang elevator button sa ika-13 palapag, dahil nasa kaliwa o kabilang bahagi ang bukasan nito.
Nakababa rin ang tatlong pasaherong na-trap, ngunit hindi naibaba ng lolo ang metal fence sa ika-13 palapag.
Mabilis na nag-viral ang footage dahil sa mala-comedy skit na eksena. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
