Ang Kapuso leading man na si Miguel Tanfelix ang sunod na magiging bisita sa Bahay Ni Kuya sa “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.” Ang isa sa mga housemates na si Sofia Pablo na aminadong crush si Miguel, hindi mapigilan ang kilig.
Sa nakaraang episodes, nagkaroon ng challenge sa mga housemate na kaagad natunugan ni Sofia na si Miguel ang tinutukoy.
Kaya naman naisipan ni Kuya na i-prank si Sofia, at kinasabwat niya ang ibang housemates.
Nilagyan nila ng takip ang mata ni Sofia na kunwaring dumating na ang house guest na si Miguel.
Pero nang alisin na ni Sofia ang takip sa mata, bumungad sa harap niya ang kapuwa housemate na si Miguel Vergara.
Gayunman, nagbigay si Kuya ng video greeting ni Miguel Tanfelix para kay Sofia na lagi raw ginagawa ng aktor sa kaarawan ng dalaga.
Bago matapos ang episode, nakumpirma naman na magiging house guest talaga sa Bahay ni Kuya si Tanfelix at kinausap siya ni Kuya na gawan nila muli ng prank si Sofia.
Game naman tinanggap ni Tanfelix ang challenge na aabangan sa susunod na episode ng programa.
Mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0. tuwing gabi sa ganap na 9:40 PM, sa Sabado sa ganap na 6:15 PM, at sa Linggo Sundays sa ganap na 10:05 PM sa GMA Network. – FRJ GMA Integrated News

