Pagdating sa panghuhula, viral at inaabangan ang mga pangitain na ibinabahagi ng mga kilalang psychic na sina Rudy Baldwin at Jovi Vargas. Ano kaya ang mga nakikita nila na maaaring mangyari ngayong 2026? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” unang ibinahagi ni Jovi ang kaniyang mga nakikita para sa taon ito, batay sa gamit niyang tarot cards.
“Ang taon ng 2026, magulo pa rin,” sabi ni Jovi.
Ayon kay Jovi, maaaring mabigla ang buong mundo sa isang malakas na lindol. Tinukoy niya na mangyayari ito sa bandang Amerika. Magkakaroon din ng lindol sa isang Asian country, na maaaring maranasan din ng Pilipinas.
“I hope hindi pa ‘yan ang Big One,” anang psychic, na idinagdag mangyayari ito sa kalagitnaan ng taon, mula Hulyo hanggang Oktubre.
Nakakita rin si Jovi ng maraming tubig na nangangahuluga ng “mas matindi” na mga pagbabaha.
“May mga papasok ng panibagong mga virus na may kinalaman sa hangin,” sabi pa niya.
Sa larangan ng showbiz, may isang stand-up comedian ang mamamaalam umano sa 2026. May dalawang lalaki rin ang magkakaroon ng hindi magandang health issue na maaaring humantong sa kanilang pagkawala.
“Ingatan lang 'yung isang kinikilalang artista na may letter ‘S,’ may nakikita akong letter ‘R,’ may malaking insidente ang taon para sa kaniya,” babala niya.
May isang taga-showbiz na makukulong dahil sa mga mga case o scandal o scam, na magiging balita rin ng taong 2026.
May mga papanaw din umano na nasa mundo ng pulitika.
“Ang pagkamatay ng dalawang tao, lalo-lalo na 'yung mga dating lider na dating naging politiko. Ito nakikita ko ang isang aksidente. 'Yung isa naman dahil sa sakit, medyo may edad na rin itong politikong ito,” patuloy niya.
Inulit ni Jovi ang paulit-ulit na niyang sinasabi na maaaring magkaroon ng problema ang presidenteng nakaupo kung hindi niya maaayos ang problemang kinaharap niya noong 2025.
“May mapatunayan lang siya, maaaring pa rin naman siyang tumagal,” sabi niya. “Maaaring mapaalis ang ating presidente sa taon ng 2026 kung hindi niya magagawan ng paraan ang mga problema ito,” sabi ni Jovi.
Magkakaroon umano ng People Power sa unang bahagi ng taon. “Pero on the first quarter of the year, meron pa akong nararamdaman na paparating pa rin ang tinatawag nating People Power.”
Tungkol naman sa mga politikong nasangkot sa korupsiyon, “Meron akong nakita na mga senador. Pero ayoko munang banggitin ang mga pangalan. Dating mga nakulong na, maaaring makulong pa,” patuloy niya.
LOCKDOWN ULIT AT IBA PA
Isa rin si Rudy Baldwin sa mga may prediksyon na laging viral at kontrobersiyal. Isa umano sa mga pinakahuling nahulaan niya ang pagtama ng 6.9 magnitude na lindol, at ang matinding pagbaha sa Cebu.
BASAHIN: Psychic na si Jay Costura, nahulaan kung nasaan ang nawawalang bride-to-be na si Sherra de Juan?
“'Yung sa Cebu, nobody expected that one. Pero nangyari kung ano 'yung pinakita sa akin,” sabi ni Rudy.
Para sa taong 2026, nagbabala siyang dapat maghanda ang Luzon.
“Kung nasabi ko sa inyo na 2025, bangka ang kailangan, baka sa 2026 kailangan natin ang yate. Mostly, sa mga bagyo, papasok sa bansa natin ay halos nasabayan ng lindol.”
Binanggit ni Rudy ang lugar ng Abra.
“Nakakalungkot sa part na ito is 'yung maraming nasawi. Mga taga-Abra, mag-prepared po kayo kasi kung ano 'yung nangyari sa Cebu, matitikman niyo po ‘yan. Sa mga taga-Abra, huwag po kayong magalit sa akin kasi kung ano ang pinapakita sa akin, babala lamang po ito. Nasa inyo pa rin naman 'yung kung maniniwala kayo,” pahayag niya.
Mula 2026 hanggang 2027, may dalawang bansang Asian na matutuloy umano ang giyera, at posibleng madamay ang Pilipinas.
May mga manggugulo rin umano sa bansa.
“Sa taong 2026, magkakaroon po talaga ng terrorist. Sumabog 'yung sasakyan. 'Yung mga biyahe ng province, especially papuntang Batangas, papuntang Pangasinan. Pero meron po ako nakita, mismo sa terminal lang po eh. Sa terminal lang nangyari 'yung pagsabog ng bus. Duguan, marami po talaga ang nasawi,” ani Rudy.
May apat din na sasakyang panghimpapawid ang maha-hijack sa 2026. “Ang isa po doon is talagang sumabog po. 'Yung tatlo, nagkaroon ng negosasyon.”
Patungkol naman sa korapsyon, “Ang nangyari parang wala rin pong solusyon.”
“Meron naman pong makukulong, pero 'yung inaasahan niyong makulong ay hindi po talaga makulong. May malaki pong mangyari din na matindi. Merong isang kaguluhan na mahirap na pong awatin ng kahit sino kasi decision na po ng taumbayan. So may pagbabago, may pagpapalit na mangyayari,” sabi pa ni Rudy.
Ayon pa kay Rudy, muling babalik ang pandemic sa 2026.
“Prediction ko for 2026 is a year of fears. Babalik ulit, magla-lockdown na naman,” anang psychic. “Dapat talaga paghandaan ninyo 'yung pandemic. Kasi babalik po 'yung tatlong klase ng pandemya. Magla-lockdown na naman.”
Ayon kay Rudy, babalik ang monkeypox, at may papasok na malalang dalawang pandemya. “'Yung tipong 'yung isa talaga malala, parang kinakain 'yung laman natin.”
May mga masasawi umanong vlogger sa 2026, at may politiko na papatayin umano.
“Merong isang politiko na masasawi sa taong 2026. Merong isang politiko, kilalang kilala, mataas din ang antas niya, na nakita ko sa kaniya mangyayaring assassination. Talagang pinagplanuhan na siyang tuluyan, pero dahil alam na rin niya, kasi may experience na siya before, naagapan,” saad ni Rudy.
“May nakita akong tatlong senador na mawala, pero krimen pa rin ang cause,” dagdag niya.
Sa larangan ng showbiz, isang bagong sibol at magandang babae ang masasawi dahil sa hamon ng kalikasan. Ang isa naman, dahil sa aksidente. May tatlo pa umanong personalidad na mapapasama sa plane crash.
Paalala nina Jovi at Rudy, hindi nila nais manakot sa kanilang mga inihahayag, kundi nais nilang magbigay ng babala upang makapag-ingat ang lahat. – FRJ GMA Integrated News
