Bukod sa nakilala na ang babaeng nakita ang bangkay na nakalagay sa isang plastic storage box sa Camarines Norte, mayroon na ring “person of interest” ang pulisya sa kaso sa tulong ng “barcode” na nakita sa loob ng storage box. Ang bangkay, napag-alaman na nagawa pang isakay ng salarin sa bus mula sa Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na isinakay ng suspek ang storage box habang nasa loob ang bangkay ng 38-anyos na babae, noong Enero 1 dakong 9:00 pm sa Calamba, Laguna.
Idineklara umano ng suspek na “tools” ang laman ng storage box nang isakay niya sa bus.
Kinalaunan, nakita ang storage box sa ibaba ng Pinagwarasan Bridge sa Basud, Camarines Norte, at nasa loob ang bangkay ng babae.
Natunton ng mga awtoridad ang person of interest sa kaso dahil sa barcode na nakadikit sa tape na ginamit niya para maisara ang storage box.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang tindahan na nakasaad sa barcode at nakita sa CCTV camera ang lalaking bumili ng tape dakong 6 p.m., tatlong oras bago siya nakita naman sa bus station.
Napag-alaman din na live in partner ng lalaki ang biktimang babae.
May nakitang mga basag na bote sa loob ng apartment kung saan nakatira ang dalawa. Hinala ng mga awtoridad, sa apartment pinatay ang biktima at inilagay ang kaniyang katawan sa plastic storage box.
Crime of passion ang isa sa mga tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen dahil seloso umano ang lalaki.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang lalaki. — FRJ GMA Integrated New
