Hindi pa rin tiyak kung ano ang sinapit ng nawawalang inmate sa New Bilibid Prison (NBP) na si Michael Cataroja matapos aminin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na "fake" news ang natanggap niyang impormasyon na nakita ang bangkay nito na walang ulo.

Ginawa ni Remulla ang pag-amin sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, na dinaluhan din nina Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., at BuCor Deputy Director Angelina Bautista.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang maling impormasyon na nakarating kay Remulla ay naibahagi rin ng kalihim sa mga mamamahayag.

"Na-fake news po ako na nahanap ang katawan na putol ang ulo. 'Yon po ang unang sinabi sa akin, na dumating po sa aking feed nung isang madaling araw," paliwanag ng kalihim sa mga kongresista.

Ayon pa kay Remulla ang naturang impormasyon o "feed" na tinitingnan niya ay galing sa kagawaran.

Hindi naman nabanggit ni Remulla kung saan galing ang naturang maling impormasyon.

Matatandaan na bukod kay Remulla, sinabi rin ni Bautista sa mga mamamahayag na may nakitang bangkay sa septic tank ng dormitoryo ng Bilibid.

Natunton umano ang bangkay sa tulong ng K-9 o aso na ipinaamoy ang dami ni Cataroja at umupo ito pagdating sa septic tank.

Samantala, nilinaw naman ng National Bureau of Investigation na isang piraso lang ng buto at isang underwear ng lalaki ang nakita sa poso negro.

Sinusuri pa umano kung sa tao o hayop ang naturang buto.

Sa ngayon, hindi pa rin alam kung ano ang sinapit ni Cataroja na nawawala mula pa noong July 15.

Ayon kay Bautista, umalis umano ang pamilya ni Cataroja sa Rizal at sumakay umano ng truck.

Napag-alaman din na hindi pa nabubuksan ang lahat ng septic tank sa Bilibid dahil may mga preso na kailangan munang ilipat.

"Ang status po niya (Cataroja) ay missing. Hangga’t di natin nabubuksan ang lahat ng septic tank at nagagalugad ang buong NBP, our declaration is he is missing,” ani Catapang, na sinabing nasa walo ang lahat ng septic tank sa kulungan. --FRJ, GMA Integrated News