Sinampahan ng reklamo sa Manila Prosecutor's Office ng Hijos Del Nazareno (HDN) Central, ang drag artist na si Pura Luka Vega dahil sa kaniyang kontrobersiyal na pagtatanghal na naka-costume na tila santo at may tugtog na rock remix ng "Ama Namin.”
Sa siyam na pahinang reklamo ng HDN Central, mga deboto ng Itim na Nazareno, inakusahan nila si Pura ng paglabag sa Article 201(2)(b)(3) at 201(2)(3)(5), kaugnay ng Section 6, ng Revised Penal Code at Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kasama bilang mga respondent sa reklamo ang may-ari ng establisimyento kung saan nagtanghal si Pura, at mga taong kasama niya bilang co-performer.
“Pura Luka Vega’s acts and actuations constitute a direct attack on our Lord, our God and savior, Jesus Christ. His acts cut painfully deep right into the core of our faith and belief, painfully wounding us spiritually, morally, and mentally,” ayon sa reklamo ng grupo.
Ayon pa sa grupo, batay sa social media accounts ni Pura at iba pang netizens, ginagaya na ng drag artist si Jesus Christ mula pa noong 2021.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng komento si Pura. Pero sa mga nauna niyang pahayag, sinabi nito na hindi niya layuning mambastos ng relihiyon sa kaniyang pagtatanghal.
Idinepensa rin niya ang kalayaan sa pagpapahayag at sa sining.
Ayon sa reklamo ng HDN Central, nananatiling “unrepentant and unapologetic” si Pura sa kaniyang ginawa.
“In as much as Pura Luka Vega enjoys the freedom of artistic expression, he has the correlative duty as a citizen to obey the law and to act within the bounds of the laws,” anang grupo.
Sa isang pahayag, nilinaw din ng grupo na hindi pag-atake sa LGBTQIA+ community at kalayaan sa sining ang pagsasampa nila ng reklamo laban kay Pura.
“Ang usapin po dito ay ang paglapastangan sa ating Panginoon at sa ating paniniwala bilang mga Kristyano. Bilang isang demokratikong bayan na naniniwala sa kahalagahan ng karapatan at kalayaan, dapat ay walang natatapakang iba,” paliwanag nila.
Bago nito, idineklarang persona non grata si Pura sa Manila, General Santos City, Floridablanca in Pampanga, at Toboso sa Negros Occidental, Laguna, Nueva Ecija, at Cagayan De Oro.—FRJ, GMA Integrated News

