Kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East, nangangamba ang Department of Energy (DOE) na baka umabot nang mahigit P80 per liter ang presyo ng diesel ngayong Marso.
Inilahad ni DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad ang naturang posibilidad sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Biyernes.
Ayon kay Abad, mas malubha umano ang alitan ngayon ng United States at Iran, kumpara sa nangyaring digmaan ng Russia at Ukraine, na nakaapekto rin sa presyuhan ng krudo sa world market.
“So, ayaw kong mag-project. Pero, ito'y mas masama pa do’n eh. Kasi dito, Middle East ang pinag-usapan,” ani Abad.
Binanggit ito ng opisyal ng DOE matapos tanungin ni Erwin Tulfo, chairman ng komite, tungkol sa magiging epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan sa presyo ng mga produktong petrolyo.
“So, ibig sabihin, sir, ‘pag hindi po tumigil itong bakbakan na ito, maaari talaga at malaki ang posibilidad that within this month, tayo po ay Marso 6 pa lamang po ngayon, within this month, aabot itong buwan ng P90 per liter ang ating diesel at ang gasolina, ay maybe nasa P80 (per liter) na po? Kung tuloy tuloy po ito” ayon kay Tulfo.
Ayon kay Abad, posible itong mangyari sa diesel kung hindi gagawing paunti-unti o staggered ang ipapataw na dagdag sa presyo ng langis.
“Kung mag-i-implement ng staggered, hindi masyado abot kaagad. Pero kung one time bagsakan, puwede ‘yun umabot na po… To be safe, mga above 80 [pesos per liter] po,” paliwanag ni Abad.
Batay sa unang tatlong araw ng trading ngayong linggo sa world market, inaasahan ng mga source mula sa industriya ng langis na tataas ang presyo ng gasolina ng ₱7.09 kada litro at ₱15.33 kada litro naman sa diesel.
Ngayong linggo, (Martes, Marso 3, 2026), nadagdagan ng ₱1.90 kada litro ang presyo ng gasolina, ₱1.20 kada litro sa diesel, at ₱1.50 kada litro sa kerosene. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

