Balik-kulungan na ang pinaghahanap na preso na nakatakas mula sa New Bilibid Prison na si Michael Cataroja matapos siyang madakip sa Angono, Rizal.
Sa pahayag na inilabas ng Bureau of Corrections, sinabi ni Director General Gregorio Catapang Jr., na iimbestigahan kung papaano nakatakas sa NBP sa Muntinlupa ang 25-anyos na si Cataroja.
Bubuo ng board of inquiry sa isasagawang imbestigasyon para alamin kung sino ang dapat managot sa pagkakatakas ni Cataroja.
Nitong nakaraang Hulyo nang ianunyo na may nawawalang preso ng NBP.
Unang inakala na pinatay si Cataroja sa loob ng NBP.
Ayon kay dating NBP Superintendent Angie Bautista, nakulong si Cataroja dahil sa kasong sa Anti-Fencing Law.
Dahil sa pagkawala ni Cataroja at nangyaring kaguluhan sa NBP, nagsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso. Dito inihayag ni Catapang ang kaniyang hinala na nakatakas si Cataroja.
Sa naturang pagdinig din, inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na "fake news" ang natanggap niyang impormasyon na may nakitang bangkay na walang ulo sa NBP at pinaniniwalaan na si Cataroja ito.—FRJ, GMA Integrated News
