Nasawi ang isang hindi pa matukoy na lalaki matapos siyang saksakin sa leeg sa Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ng Barangay 95, Zone 9 na katatapos lang bumuhos ng ulan nang makita ang lalaki sa isang bahagi ng EDSA Caloocan mag-10 p.m. ng Miyerkoles.

Nagmamadali ang biktima na lumiko sa J. Mariano Street, ngunit mapapansing hawak-hawak niya ang kaniyang leeg.

Ilang saglit pa, humandusay na ang lalaki sa bangketa, ngunit hindi na ito nakunan sa CCTV dahil natatakpan ng net.

Ayon kay Eulalio Lumapas, barangay tanod at saksi sa insidente, nagulat na lamang siya nang sumulpot ang lalaki. Tinanong niya kung ano ang nangyari rito, ngunit hindi na nakapagsalita ang biktima.

Dito na siya humingi ng tulong, ngunit pumanaw ang lalaki.

Napag-alaman ng SOCO na nagtamo ang biktima ng saksak sa leeg matapos nila itong iproseso.

Walang pagkakakilanlang nakuha sa biktima na nasa 40 hanggang 45 anyos, base sa pagtataya ng mga awtoridad. May tattoo rin ito sa kanang tagiliran na nakasulat ang salitang “Sputnik.”

Ayon sa mga taga-barangay, hindi residente sa lugar ang lalaki.

Hindi muna nagbigay ng panayam ang Caloocan Police habang kinukumpleto ang imbestigasyon.

Patuloy na inaalam ang nasa likod ng pananaksak sa biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News