Arestado ang dalawang Chinese national at isang Pinay na nagpapatakbo ng umano’y prostitution den sa Pasay City. 

Sa ulat ni Nico Waje sa “24 Oras Weekend'' nitong Sabado, sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang condominium unit sa Pasay matapos nadiskubre ng Department of Information and Communications Technology - Cybercrime Investigation and Coordination Center ng  (DICT-CICC) ang umano'y illegal na kalakaran sa lugar. 

Inilalako raw sa isang online messaging application ang ilang babae para magbigay-aliw sa mga kustomer.

“There were some reports kasi of a lot of text blasting coming from this area. Hinanap natin kung nasaan, dito natin nakita ‘yan,” sabi ni Assistant Secretary Mary Rose Magsaysay, Deputy Executive Director, DICT-CICC.

Mula P4,000 hanggang P16,000 ang ibinabayad sa mga babae.

Na-rescue ng mga awtoridad ang 13 Pilipina mula sa condo kung saan sila naka-stay-in.

“As part of the evidence na gagamitin natin dito, of course ‘yung mga transaction na nakuha natin, and then ‘yung mga usapan sa mga chat groups nila. Almost 100% ng mga nagca-cater dito sa prostitution den na ito ay karamihan Chinese,” ani PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking in Persons Act of 2003 ang dalawang Chinese nationals kasama ang isang Pinay na nagsilbing bugaw. —Sherylin Untalan/VBL, GMA Integrated News