Dalawang bangkay--isang babae at isang lalaki--ang nakita sa loob ng isang container nang dumating sa Thailand. Ang container, nanggaling umano sa Pilipinas.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabi ng  Philippine Police Attache sa Thailand, na umalis ang container sa pantalan ng Maynila noong Setyembre 24, at nadiskubre ang mga bangkay noong Oktubre 2.

Nagpapatulong na umano ngayon ang mga awtoridad ng Thailand sa mga awtoridad ng Pilipinas para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga bangkay.

Sa inisyal na pagsusuri ng mga duktor sa Thailand, wala umanong nakitang mga sugat sa dalawang bangkay.

Pero may nakitang drug paraphernalia sa tabi ng mga bangkay.

Ayon kay Police Colonel Dominador Matalang, PNP Police Attache sa Thailand, nakahubad at shorts ang bangkay ng lalaki, habang pink na sleeveless naman ang suot ng babae at tila skinny jeans.

Inaasahan na magiging susi sa pagkakakilanlan ng lalaki ang mga tattoo sa kaniyang katawan na hinihinala na dating nakulong.

Sakaling matukoy na ang pagkakakilanlan ng dalawa, maaari nang iproseso para ibalik sa Pilipinas ang kanilang mga labi.--FRJ/KG, GMA Integrated News