Tinamaan ng isang mananaya ang mahigit P640-M jackpot sa Super Lotto 6/49 nitong Martes, habang isang mananaya rin ang masuwerteng nasolo ang mahigit P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw nitong Miyerkules. Paano nga ba bigayan ng premyo sa masuwerteng nanalo?
Sa “Unang Hirit” nitong Huwebes, ipinayo ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles na kung tumama sa lotto, ang unang dapat gawin ay isulat ang pangalan at pirmahan ang likod ng lottery ticket.
BASAHIN: Isang mananaya, nasolo rin ang P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw
Ingatan din itong huwag mabasa, mainitan o maplantsa dahil ito ay isang thermal paper.
Kung ang napanalunan ay higit sa P300,000, pumunta na sa opisina ng PCSO at magdala ng dalawang government IDs.
"Ipa-process po, same day makukuha 'yan," ayon kay Robles, na idinagdag na makukuha ang premyo sa paraan ng tseke.
Hindi gaya sa ibang bansa na installement ang bigay ng lotto jackpot prize, sinabi ni Robles na buong ibinibigay sa paraan ng tseke ang napanalunang premyo na idedeposito naman sa bangko.
Ang mga nanalo ay may hanggang isang taon para kunin ang kanilang premyo.
Kung damaged naman ang ticket, posible pa ring makuha ng nanalo ang kaniyang premyo kung readable pa ng machine ang bar code nito.
Ayon kay Robles, unang beses na may tumaya sa E-lotto at nanalo ng mahigit P698 milyon. -- FRJ, GMA Integrated News
