Dead on the spot ang isang lalaki matapos barilin ng isang gwardya sa bahagi ng Mabini kanto ng Pedro Gil sa Ermita, Maynila.
Ayon kay Felix Laurio, nakakita sa insidente, na bago ang pamamaril, isang alyas Bogart ang nakaaway ng lalaki.
Sa hindi malamang dahilan ay ilang ulit niya itong hinataw ng itak.
Nakatakbo pa palayo si Bogart pero tumumba rin di kalaunan.
“Hinabol ng matanda, eh 'di na siguro kaya ng biktima dahil malaking mama din sya, tumawid pa siya at umupo doon, pinuntahan din siya, hinabol, tinaga tsaka sinaksak," kwento ng saksi.
Agad naman lumapit ang gwardya ng kalapit na hotel at sinubukang awatin ang suspek.
Pero dahil sa hindi humihinto ang lalaki ay dito na nagdesisyon ang gwardya na gamitin ang kaniyang service fire arm at mag warning shot.
Maya maya ay humarap umano sa kaniya ang suspek at sa pangamba na hatawin din siya ng itak, muli niya itong binaril sa ilalim ng dibdib na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Ayon naman kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), binigyan pa ng paunang lunas ng gwardya si Bogart bago isinugod sa ospital.
Sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling ang biktima ng pananaga.
“Masasabi natin na sobra yung galit niya sa sobrang dami nung taga na inabot niya,” ayon sa pulisya.
Dalawang basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
Hawak na ng MPD-Homicide ang gwardya na sumasailalim sa imbestigasyon. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. — BAP, GMA Integrated News

