Timbog sa Pasay City ang isang lalaki at kaniyang mga kasamahan matapos umano silang magpapakilalang mga opisyal ng gobyerno at manakot ng mga negosyante na ipasasara ang establisyimento nila kung hindi magbibigay ng "padulas."
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa isang undercover video na kumakain sa isang restaurant ang suspek nitong Martes ng gabi kasama ang isang kausap na hindi kita sa video.
Isa na pala itong entrapment operation na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) laban sa suspek.
Matapos madokumento ang pagtanggap ng suspek ng bulto ng pera mula sa kausap, dinakip na siya sa kasong robbery, extortion o pangongotong.
Nahuli rin ng mga awtoridad ang mga kasama niyang nasa paligid lamang ng lugar nang isagawa ang operasyon.
"Nagkaroon kami ng setup, gumamit kami ng isang complainant na magbibigay ng pera sa kanila, 'yung tinatakot nila. Actually, 'yung usapan nila ngayon nasa P5 million," ani Police Lieutenant Colonel Jose Joey Arandia ng CIDG-NCR.
Nagpakilala raw ang suspek at kaniyang mga kasamahan na mga opisyal sila ng gobyerno na konektado kay First Lady Lisa Araneta Marcos.
Ngunit matapos makipag-ugnayan ang pulisya sa opisina ng First Lady at sa ilang mga complainant, ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek.
Sinisikap ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang Malacañang.
Hindi nagbigay ng panig ang mga suspek sa mga bintang sa kanila.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG NCR kung gaano kalawak at katalamak ang kanilang operasyon. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News
