Patay ang isang trabahador matapos ma-trap sa nasusunog na tindahan ng LPG sa Barangay 176 sa North Caloocan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Ayon kay Fire Senior Inspector Elyzer Rubel Leal ng Bureau of Fire Protection-Caloocan batay sa salaysay ng mga saksi, nakainom daw ang 25-anyos na biktima kaya hindi ito agad nakalabas.

Umabot ng mahigit isang oras ang sunog bago tuluyang naapula. Bago ito, sunod-sunod na pagsabog ang maririnig sa lugar, dahilan para magpulasan ang mga residente.

Tatlong bahay ang nadamay sa sunog.

Tinatayang aabot sa P200,000 ang naitalang halaga ng pinsala ng sunog sa istraktura. —KBK, GMA Integrated News