Kinumpirma ni dating Armed Forces of the Philippines' Western Command (AFP WESCOM) commander Vice Admiral Alberto Carlos na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang Chinese military attaché pero wala umano siyang pinasok na kasunduan na maglalagay sa alanganin sa pambansang interes ng Pilipinas.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Carlos tungkol sa umano'y "New Model" agreement sa paghawak sa sitwasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, na unang pinalutang ng Chinese Embassy sa Manila.

Sa isinagawang pagdinig ng Senado nitong Miyerkules tungkol sa umano'y wiretapping na ginawa ng Chinese Embassy tungkol sa pag-uusap sa kasunduan, sinabi ni Carlos na unang bahagi ng Enero nang makatanggap siya ng tawag mula sa isang Chinese Military Attaché na tinukoy niyang si "Senior Colonel Li" ng Chinese Embassy.

Pero iginiit ni Carlos sa kaniyang pahayag na wala siyang pinasok na binding agreement para sa Pilipinas.

"I did not forge any agreement at the level and magnitude that would bind our two countries for the long term and redefine foreign policy. I am only the commander of the Western Command and not even of the entire West Philippine Sea," sabi ni Carlos.

"As WESCOM commander, I have done my very best to provide for the welfare of WESCOM personnel. I did not enter into any secret deals that will compromise the interest of our country," giit niya.

Ayon kay Carlos, tumagal lang ang pag-uusap nila ng Chinese military attaché sa telepono ng tatlo hanggang limang minuto. Inilarawan niya ang pag-uusap na "very informal" and "casual."

"I did not initiate the call... We talked about how to reduce the tension in the West Philippine Sea, particularly during our rotation and resupply mission in Ayungin Shoal... coming from the December 2023 RORE where our supply ships were water cannoned and we were planning for our next RORE," ani Carlos.

"We did not discuss the 'new model.' The term(s) 'common understanding, new model' were not part of our conversation, Mr. Chair," dagdag niya.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Carlos tungkol sa naturang pag-uusap. Pero sinabi ng opisyal sa Senate national defense committee na handa siya na i-brief ang mga senador sa isang executive session tungkol sa operational concept para sa RORE, kasama ang usapan sa telepono.

Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, pinuno ng komite, sinabi ni Carlos na hindi siya nagbigay ng pahintulot sa Chinese military attaché na i-record ang kanilang pag-uusap.

"I have not given my consent to record to anybody and I have not been asked for permission to do so, Mr. Chair," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Carlos na matapos lumabas ang umano'y "new model" agreement, hindi na niya nakausap ang Chinese military attaché, pero nagtatangka itong makipag-ugnayan sa kaniya ilang araw lang ang nakalilipas sa pamamagitan ng Viber.

"He sent me a message two days ago, Mr. Chair, but I did not acknowledge," sabi ni Carlos sa mga senador, at handa raw niyang ipakita ang laman ng mensahe sa executive session.

Ayon kay Carlos, nakilala niya ang Chinese military attaché sa ilang AFP special events at diplomatic events.

Matapos mag-leave for personal reason si Carlos, pinalitan siya sa puwesto ni Rear Admiral Alfonso Torres Jr. nitong nakaraang linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Public Affairs Office (AFP PAO) chief Colonel Xerxes Trinidad, na "administrative decision of the AFP” ang ginawang paglagay kay Torres sa puwesto ni Carlos. — mula sa ulat ni Hana Bordey, GMA Integrated News