Isang lalaki na bangkay na at may tama ng bala ng baril sa ulo ang natagpuan sa isang eskinita sa Bagong Silang, Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinagulat ng mga residente ng Barangay 176 nang makita nila sa eskinita ang bangkay.

Bago nito, isang residente ang nakakita sa biktima na naglalakad kasama ang isang pang lalaki.

“Paakyat po sila papunta po roon sa may bandang gilid po ng court sa may parteng madilim. May kausap po ‘yung lalaki sa telepono, parang nagagalit po siya, ‘yung lalaki na suspek po,” sabi ng isang lalaking residente.

“Umikot po sila sa court pababa dito sa may madilim na parte na ito. After 30 minutes, nakarinig na po kami ng putok na binalewala lang po namin, akala po kasi namin, kadalasan, mga gulong lang ng sasakyan,” dagdag ng residente.

Pagkaraan ng pamamaril umano, hindi na niya nakita kung saan nagtungo ang kasama ng biktima na nakasuot ng puting tshirt, jersey shorts at may dalang helmet.

Hindi rin nakakakuha pa ng pagkakakilanlan mula sa biktima, na nasa 20 hanggang 25 taong gulang, base sa pagtataya ng mga awtordidad.

May tattoo ang biktima sa tagiliran, na may nakasulat na pangalang “Arvin.”

Ayon sa mga taga-barangay, posibleng dayo sa lugar ang biktima.

Patuloy na inaalam ng Caloocan Police ang pagkakakilanlan ng biktima.

Hindi pa malinaw sa kasalukuyan kung salarin ang kasama ng biktima, at kung ano ang motibo sa pagpaslang. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News