Bumilis ang pagmahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong nakaraang July, kumpara noong June, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pulong balitaan nitong Mates, sinabi ni National Statistician and PSA chief Claire Dennis Mapa, umangat sa 4.4% ang inflation noong July, na mas mataas sa 3.7% na naitala noong June.
Ang inflation rate ng July ay tugma sa pagtaya na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 4% hanggang 4.8%.
Sa loob ng nagdaang anim na buwan, nasa 3.7% ang antas ng inflationsa bansa na pasok pa sa government ceiling na 2% hanggang 4% ngayong taon.
“Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Hulyo 2024 kaysa noong Hunyo 2024 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels sa antas na 2.3% [from 0.1% in June],” paliwanag ni Mapa.
Dagdag pa ng opisyal, “Ang pangalawang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Hulyo 2024 kaysa noong Hunyo 2024 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.” --mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News