Magkakapatong na reklamo ang kahaharapin ng isang lalaki dahil bukod sa kaniyang “rentangay” modus, sinalpok pa niya ang tatlong sasakyan habang hinahabol ng pulis sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood na tumagilid sa bangketa ang tricycle matapos mahagip ng sasakyang minamaneho ng suspek.

Ilang saglit lang, sumalpok din ang suspek sa isang pampasaherong van, bago siya nadakip.

Sinabi ng PNP Highway Patrol Group na inupahan umano ng suspek ang sasakyan noong Agosto 26 sa halagang P3,000 kada araw ngunit hindi niya na ito isinauli.

Kinabukasan, Agosto 27, naka-post na sa Facebook marketplace ang sasakyan sa halagang P250,000.

Nakipag-chat sa lalaki ang undercover policemen na nagpanggap na bibili ng sasakyan, at humantong ito sa entrapment.

Sinabi ng HPG na dati nang may kaso na may kinalaman sa carnapping ang suspek.

“Natakot po ako, sir, kasi mostly pong naku-kuwan ko po sir, siyempre mabubugbog. Kung hindi po mabubugbog, kung ano pong gawin kaya po sinubukan ko pong tumakbo,” depensa ng suspek.

“Pero pinagsisihan ko po ‘yun na ginawa ko po. Sir, alam ko naman pong mali po ‘yun ginawa ko po. Dahil po sa pera po, kaya ko po nagawa. Pagpasensiyahan ninyo na po ako dahil sa hirap din po ng buhay, tapos mag-isa ko lang pong nagtataguyod sa pamilya ko po,” dagdag ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa paglabag sa anti-carnapping law at reckless imprudence resulting to multiple physical injury.

May mga nagreklamo rin mula sa Baguio City at Ilocandia region na tinangay umano ng suspek ang mga nirenta nitong sasakyan sa kanila.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News